The Mayor's Message
Sa ating patuloy na pagsulong tungo sa isang makatarungan at progresibong San Marcelino, buong puso kong ipinagmamalaki ang paglulunsad ng Digital Gender and Development (GAD) Corner ng ating lokal na pamahalaan. Ito ay isang mahalagang hakbang upang mas mapalawak ang kaalaman, kamalayan, at partisipasyon ng bawat Marcelinean sa pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay at paggalang sa karapatang pantao.
Ang EDUKASYON ang ating sandata upang maunawaan ng bawat isa—babae man o lalaki, anuman ang antas sa buhay—na ang gender equality ay hindi lamang adhikain kundi isang karapatang dapat isabuhay. Sa pamamagitan ng tamang impormasyon at patuloy na pagkatuto, ating mabubuo ang isang komunidad na may bukas na pag-iisip at malasakit sa isa’t isa.
Katuwang nito ang RESPETO—paggalang sa pagkakaiba-iba, sa kakayahan, at sa kontribusyon ng bawat isa sa lipunan. Kapag may respeto, may dignidad; at kapag may dignidad, may tunay na pagkakapantay-pantay.
Ang aming paninindigan sa SERBISYONG TAPAT ay nangangahulugang hindi namin kailanman kakalimutan ang aming tungkulin na maglingkod nang walang pinipili. Lalaki man o babae, kabataan man o nakatatanda—lahat ng Marcelinean ay may pantay na oportunidad na makinabang sa mga programa at serbisyong inihahandog ng pamahalaan.
Nawa’y maging daluyan ang Digital GAD Corner na ito ng kaalaman, inspirasyon, at konkretong aksyon tungo sa isang San Marcelino na tunay na inklusibo, patas, at may malasakit sa bawat mamamayan. Mabuhay ang bawat Marcelinean—pantay sa karapatan, pantay sa oportunidad!
HON. MAYOR ELVIS RAGADIO SORIA
