SELEBRASYON NG BUWAN NG KABABAIHAN, IPINAGDIWANG SA BAYAN NG SAN MARCELINO
Mahigit 200 kababaihan sa bayan ng San Marcelino ang lumahok sa Women’s Month celebration na ginanap sa Municipal Evacuation Center sa Barangay Laoag.
Isinagawa ang aktibidad upang kilalanin ang ambag ng kababaihan sa komunidad at bigyang-pansin ang mga hamon na kanilang kinakaharap sa pagkamit ng pagkakapantay-pantay.
Tampok sa programa ang Juana Zumba Competition na nilahukan ng siyam na grupo mula sa iba’t ibang barangay.
Muling tinanghal na kampeon ang grupo mula sa Barangay San Isidro na nag-uwi ng ₱15,000.00, habang nakuha ng Barangay Rabanes ang unang puwesto na may ₱10,000.00, at pumangalawa ang Barangay Aglao na may ₱8,000.00.
Bukod dito, nagkaroon din ng “Juana Lakad Na” bilang bahagi ng selebrasyon, na pinangunahan ng Municipal Social Welfare and Development Office.
Kabilang sa mga nakiisa si Hon. Vice Mayor Jimbo Ragadio Gongora , mga miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Hon. SBM Louella Aquino, MD, at Hon. SBM Darrel Labio, at kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pangunguna ni Rose Ann Agostosa.
Kasama rin ang mga department head, mga kawani ng LGU, at mga women’s group mula sa iba’t ibang barangay, Bureau of Fire Protection, at San Marcelino Water District.
Pinangunahan nina SBM Apolinario Abelon, Municipal Treasurer Eleanor Damasco, at Nurse Maria Cielo Quemen ang paggawad ng parangal sa mga nagwagi.
Sa mensahe nina Konsehal Pollie at MSWD Officer Sahra Soria, binigyang-pugay ang mga kababaihan at kinilala ang kanilang mahalagang ambag sa komunidad.
Samantala, binigyang-diin ng ating mahal na Hon. Mayor Elvis Ragadio Soria na patuloy na kinikilala ang mahalagang papel ng kababaihan sa komunidad.
Aniya, sa kabila ng mga hamon, ipinapakita nila ang kanilang kakayahan, talino, at determinasyon na susi sa pag-unlad ng bayan, at patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan sa mga programang nagtataguyod ng kanilang karapatan at kapakanan.
Idinagdag ni Mayor ERS na mahalagang bigyang-pansin ang mga hamon at pagsubok na patuloy na hinaharap ng kababaihan, hindi lamang sa San Marcelino kundi sa buong mundo.
Kinikilala rin ni Mayor ERS ang mahalagang papel ng mga babaeng Marcelineans at ang kanilang malaking ambag sa pag-unlad ng komunidad.
Itinalaga ang buwan ng Marso bilang Buwan ng Kababaihan sa bisa ng Presidential Proclamation No. 224, s. 1988, habang ipinag-uutos sa ilalim ng Republic Act No. 6949 ang paggunita sa Araw ng Kababaihan tuwing ika-8 ng Marso bawat taon.
