Tinalakay ng mga miyembro ng iba’t ibang councils ng bayan ang mga programa, plano at hakbang upang higit pang mapalakas ang proteksyon at kapakanan ng mga bata, kababaihan at pamilya sa ginanap na 2nd Quarter Joint Cluster Social Protection Meeting noong Hunyo 22 sa Plazuela Multi-Purpose Hall.
Pinangunahan ng ating mahal na Hon. Mayor Elvis Ragadio Soria ang pagpupulong kasama ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pamumuno ni Sahra Soria at DILG-Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Rose Ann Agostosa.
Kabilang sa mga nagsagawa ng pagpupulong ang Local Council for the Protection of Children (LCPC), Local Council Against Trafficking and Violence Against Women and Their Children (LCAT-VAWC), Municipal Nutrition Committee (MNC), at Municipal Action Committee (MAC).
Tinalakay sa pagpupulong ang resulta ng audit ng LCPC, mga update sa implementasyon ng work and financial plans ng bawat konseho, mga rekomendasyon para sa pagpapabuti ng kanilang pagganap, at iba pang usaping may kaugnayan sa pagsusulong ng ligtas, maayos at inklusibong komunidad.
Nagbigay rin ng ulat ang mga miyembro ng bawat konseho hinggil sa kanilang mga naisagawang programa at serbisyo bilang bahagi ng regular na monitoring at evaluation ng mga inisyatiba para sa social protection.
Dumalo sa pagpupulong ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga punong barangay at kagawad, mga kinatawan ng Philippine National Police (PNP), Barangay Nutrition Scholars (BNS), Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI), Department of Education (DepEd), at mga kinatawan ng kabataan.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, binigyang-diin ni Mayor Soria ang kahalagahan ng patuloy na koordinasyon at pagtutulungan ng mga lokal na tanggapan at stakeholder upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga programang nagtataguyod sa karapatan, dignidad at kapakanan ng bawat mamamayan, lalo na ng mga kabataan at kababaihan.
