Ang pagpapanatili ng malakas at malusog na pangangatawan at isipan ay isa sa mga mahahalagang aspeto ng buhay ng bawat tao.
Ngayong Miyerkules, Mayo 6, opisyal na inilunsad ng Pamahalaang Bayan ng San Marcelino ang Wellness Day para sa mga kawani ng munisipyo.
Pinangunahan ito ng Municipal Human Resource Management Office (MHRMO) sa pangunguna ni HRMO Leah C. Villajuan, katuwang ang Municipal Health Office (MHO) sa pamumuno ni Municipal Health Officer Dr. Giselle Paje-Ragadio.
Masiglang nakiisa ang mga empleyado ng munisipyo sa isinagawang zumba session sa Plazuela na naging puno ng enerhiya, saya, at pagkakaisa.
Bagama’t nakakapagod at nakakapawis ang aktibidad, naging kapaki-pakinabang naman ito sa pagpapalakas ng kanilang pangangatawan at pagpapanatili ng mabuting kalusugang pangkaisipan.
Lubos naman ang pasasalamat at kasiyahan ng ating mahal na Hon. Mayor Elvis Ragadio Soria sa matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad at sa pakikiisa ng mga kawani.
Hangad ng alkalde na manatiling malusog, masigla, at produktibo ang bawat empleyado ng pamahalaang bayan.
Ang Wellness Day ay isasagawa tuwing Miyerkules mula alas-4:30 hanggang alas-5:30 ng hapon.
Patuloy ang LGU San Marcelino sa pagpapatupad ng mga programang nagsusulong ng healthy lifestyle at kapakanan ng mga kawani bilang bahagi ng layunin nitong makapaghatid ng mahusay at episyenteng serbisyo publiko.
